Mga matang nakatingin.
Mga ngusong nakangiwi.
Buhok na humahampas sa hangin. At mukhang hindi mai-painting.
Noon ako’y nasa bukana ng bus na iyon. Bagamat paharap na nakatingin sa sasampu’t mahigit pang bilang ng mga taong tulad ko’y pagod at walang ibang hiling kundi ang makauwi ng ligtas sa ganoong oras, e tila bang ako’y may naaalalang gunita buhat sa paglalakbay na halos aking ikasumpa. Isang paglalakbay na kung tutuusin e nagbigay ng samu’t saring pakiramdam sakin… mga alaala, realisasyon, at pagbubuklod ng tunay sa mga huwad na animo’y pilit nagsusumiksik sa aking balintataw. Mga alaala mula sa tatlong araw na maling akala. Tatlong araw na paglalakbay rin yon. “Adventure!” pa nga sabi ko. Tatlong araw na hindi ko makikita ang paborito kong teddybea; tatlong araw na hindi ko malalaro ang ngayo’y kinahiligan kong Plants vs Zombies, Warcraft at Zuma’s revenge; tatlong araw na aking maibibigay para matapos ang pagbabasa ko ng isa sa mga nobela na aking binabasa; tatlong araw na panandiliang makakalimutan ang nakaka-wrinkles na research proposals at topics; at higit sa lahat, tatlong araw na makakawala sa apat na sulok ng aming paaralang at ng aming pamamahay. Ngunit ang lahat ng aking hinala, nasasaisip at mga asam ay parang bula na lumaho sa aking listahan at naging isang karton ng pagod, libag, tartar at panis na laway.
Isa sa mga hindi ko makakalimutang araw ang tatlong araw na yon. Natutunan kong maging matatag sa oras na ako’y nagmumukhang agnat at mistulang Badjao sa gitna ng mabangis na Maynila, mawalan ng panandaliang hiya sa sarili gamit ang isang itim na plastic, buhatin ang mga bagahe ng walang pag-iimbot at buong tapang na higupi’t amuyin lahat ng hanging nalalasap ng aking ilong, harapin ang takot hated ng acrophobia para sa kabutihan ng lahat, labanan ang hika, pairalin ang pagpapakumbaba, pasensya, natural diet, self-control, maging ang salitang sakripisyo.
Normal na siguro yung tipong naging masaya ka dahil sa mga naranasan mo o dahil dumami lalo ang mga nakilala mo sa labas ng iyong paaralan, ng mga naging kaibigan na pawang magaganda, sikat, seksi, gwapo, matalino at kung ano pa; yung mga sandali na nakasama mo sa wakas yung taong gusting-gusto mong makasama, makausap o makita kahit sa tatlong araw lamang na sunud-sunod na walang pampasira na oras ng pag-uwi; yung tipong magkagusto sa mga taong isang gabi mo lang nakatabi sa upuan o maging thankful sa mga bagay-bagay na iyong narealize sa loob ng tatlong araw na walang limitasyong oras ng pag-uwi o pagbalik. Masaya kung masaya pero higit pa roon ang kasiyahang aking napagtanto. Kasiyahang higit pa sa salitang Masaya. Tulad nga ng nasabi ko, normal lahat ng kasiyahang nararamdaman nila, mararamdaman mo o naramdaman ko dahil para sakin, hindi mabibilang yung galak sa mga karanasang iyon. Ngunit, hindi lahat ng bagay e lagi’t laging nakatatak sa isipan mo. Malay mo, naglaro ka lang ng Angry birds maghapon, magdamag, dalawang araw o higit pa, tiyak e makaklimutan mo ang mga bagay na minsa’y nagpasaya sayo. Hindi iyon dahil nakalimutan mo ang ilang importanteng bagay na nagpasaya sayo, kundi, iyon ay dahil ang kasiyahan ay wala sa karanasan kundi sa kung ano ang iyong mga natutunan na kahit tumanda ka’y nakatulong ng higit sa iyong pagkatao. Ang tunay na halaga kasi ng isang bagay ay hindi ang kasiyahan nito kundi ang iniambag nito sa iyong pagkatao, sa iyong pansariling katuturan. At iyon, para sakin ang nakapagbigay ng higit pang kasiyahan…ang mabago ang sarili para sa ikabubuti.
Muli, napangiti sa bintana ng bus. At sa muling pagbaling ng aking mukha sa salaming iyon na may bakas pa ng hamog, nakita ko ang aking sarili. Napangiti ng bahagya, tinignan ang relo habang dala-dala ang maleta. Tumayo, sabay sabing… “Para po!”
Read more »